Tuesday, October 9, 2012

Ate Guy: Maria Leonora Teresa Cabaltera Villamayor

Araw ng kapanganakan: Ika-21 ng Mayo, taong 1953
Lugar ng kapanganakan: Iriga, Camarines Sur

          Nagtitinda lamang si Nora noon ng malamig na tubig sa gilid ng riles ng tren sa lungsod ng Iriga bago siya tanghaling kampeon ng “Tawag ng Tanghalan”, ang pinakapopular na amateur singing contest sa Pilipinas noong 1967.

          Labing-dalawang taong gulang noon si Nora nang kinailangan ng kanyang mga magulang ng perang pangmatrikula para sa kanyang nakatatandang kapatid. Si Nora na mahilig kumanta ay sumali sa “Darigold Jamboree”, isang popular na programa sa radyo, kung saan ang premyo na bente pesos ay ang eksaktong halaga na kailangan ng kanyang mga magulang. Nagtungo pa siya sa Naga para sa programang ito. Nagtagumpay naman siya na maipanalo ito at dito nagsimulang madiskubre ni Nora ang kanyang talento. Muli siyang nanalo sa “The Liberty Big Show”, ang kalabang programa ng Darigold. Ang pagkapanalo niya sa dalawang patimpalak ang siyang naghikayat sa kanya upang sumali sa “Tawag ng
Tanghalan”. Kasama niya ang kanyang ina patungo sa Maynila. Nakituloy sila sa kapatid ng kanyang ina na si Belen Aunor, na nagboluntaryong samahan si Nora sa bawat odisyon. Napagkasunduan nilang si Belen na ang tatayong nanay ni Nora sa harap ng publiko. Para maiwasan ang mga katanungan ay ginamit na rin ni Nora ang apelyido ng kanyang tiya. Kaya ngayon ay kilala natin siya bilang Nora Aunor.

          Ang kanyang mga magulang ay sina Antonia Cabaltera at Eustacio Villamayor. Nagkaroon siya ng isang anak, si Ian de Leon, sa kanyang dating asawa na si Christopher de Leon. Nag-ampon din sila ng dalawang babae at dalawang lalaki, sina Lotlot de Leon, Matet de Leon, Kiko de Leon at Kenneth de Leon. Kumandidato siya sa pagkagobernador sa Camarines Sur noong eleksyon ng 2001 ngunit siya ay natalo. Noong taong 2008 ay naging permanenteng residente na siya sa Estados Unidos.


Ang mga impormasyon na ito ay hango sa mga isinulat sa sumusunod:
  • L. Pareja
    Copied from the CCP Encyclopedia, FILM, p. 205-206
  • http://www.nora-icon.com/nora_ccp.html
  • http://www.imdb.com/name/nm0042124/bio

No comments:

Post a Comment